House Appropiations Committee, tatapusin ang Budget hearing sa Setyembre

Target ng House Appropriations Committee na matapos ang kanilang isasagawang budget hearing sa ikalawang linggo ng Setyembre at agad na maisalang sa Plenary deliberations ang proposed P4.1 trillion 2020 budget.

Ayon kay House Committee on Appropriations Chairman Isidro Ungab, target nilang maipasa sa ikatlo at huling pagbasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang General Appropriations Bill sa Oktubre 4, bago ang Congressional recess.

Aniya, para matupad ang timeline, handa ang kanyang komite na magsagawa ng hearing sa proposed national budget mula Lunes hanggang Biyernes.

Bukas, Agosto 20, ipapasa ng Department of Budget and Management (DBM) ang panukalang pondo para sa susunod na taon sa Kamara na ila-live stream pa upang mapanood ng publiko.

Pagsapit naman ng Agoto 22, magsasagawa ng briefing ang Development Budget Coordination Committee, ang inter-agency body na tumutukoy ng lahat ng economic targets, expenditure levels at budget ng pamahalaan.

Sa darating na Agosto 23, ire-review naman ng Appropriations Committee ang budget proposal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Una nang inihayag ng DBM na bukod sa imprastraktura o ang Build, Build, Build program, malaking bahagi ng 2020 national budget ang nakatutok sa anti-poverty at pro-employment spending gayundin sa implementasyon ng mga bagong pasang batas tulad ng Universal Health Care Act (UHC), Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), at pagtatatag ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).