Hotline para sa pagkakasakit ng mga baboy, binuksan

Nagbukas na ng hotline ang Crisis Management Task Force o CMTF ng Department of Agriculture (DA), para sa pagpaparating ng mga ulat tungkol sa pagkakasakit ng mga baboy.

Bahagi ito ng mas pinaigting na pagbabantay ng ahensya hinggil sa mga kaso ng pagkamatay at hindi pa matukoy na swine disease na nakaaapekto ngayon sa hog industry.

Sa inilabas na CMTF bulletin kahapon, heightened quarantine at food safety measures pa rin ang pinaiiral. Saklaw nito ang pagbabantay sa mga swine farm, partikukar ang mga nagsasagawa ng backyard hog raising.

Tinutulungan din ang mga magbababoy na ipatupad ang good animal husbandry practices, at bio-security measures para mapanatili ang magandang kalusugan ng mga alaga.

Sa isyu ng monitoring at quarantine services, nakikipag-ugnayang mabuti ang DA sa Department of Finance (DOF), Department of Transportation (DOTr), Department of the Interior and Local Government (DILG), at Philippine National Police (PNP), maging sa mga militar, gobernador at mayor.

Ang mga inilaang hotline para sa disease incident reporting ay 0995-1329339 para sa Globe subscribers at 0920-8543119 ang Smart line. Maaari ring makipag-ugnayan agad sa municipal, city o provincial veterinary office ng nasasakupang lugar.

Patuloy namang nagpapaalaala ang DA sa mga hog raiser na iwasang magpakain ng kanin-baboy, dahil lahat ng backyard hog raiser na nakaranas ng hindi maipaliwanag na sakit ng kanilang mga alaga ay ganoon ang uri ng pagkain.