Hotline 8-8-8-8, nakapagtala ng 93.2% resolution rate sa mga reklamong idinulog – Palasyo

Umabot na sa 20,000 mga sumbong ang inaksyunan ng 8-8-8-8 hotline ng pamahalaan.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque na sa nabanggit na bilang ng reklamo na ipinarating sa 8-8-8-8, nakapagtala ang Office of the President ng 93.2 % resolution rate.

Kung pag-uusapan naman partikular ang tuluy-tuloy na anti-corruption drive ng Duterte Administration, sinabi ni Roque na marami na rin ang nasampolan ng naturang kampanya na mistulang may battle cry na “Sibak, Sibak, Sibak”.

Sa datos na inilabas ni Roque, umaabot na sa 186 na mga lokal na opisyal ang natanggalan ng police deputation habang 57 mga opisyal sa lokal na antas din ang naimbestigahan.

Idinagdag din ng Palace spokesperson na mga 17 lokal na opisyal din ang nahaharap sa asunto kaugnay naman ng isyu sa Boracay.  | ulat ni Alvin Baltazar