Hot pursuit operation, ikinasa ng militar sa mga dumukot sa 3 kabataan

Ikinasa ng militar ang hot pursuit operation laban sa mga miyembro umano ng New People’s Army (NPA), na dumukot sa tatlong menor de edad, sa Laak, Davao de Oro.

Ayon kay Captain Jerry Lamosao, tagapagsalita ng 10th Infantry Division ng Philippine Army, kasalukuyan ng iniimbestigahan ng awtoridad ang nasabing insidente.

Nauna ng lumapit ang mga magulang ng mga bata upang humingi ng tulong sa 60th Infantry Battalion, na pinamunuan ni 1Lt Amadeuz Celestial.

Dito ikinuwento ng mag-asawang Emerito at Marife Tanoko, na kinuha ng mga rebelde ang kanilang dalawang anak na si Patrick at Raymond ilang linggo na ang nakalipas.

Bagamat alam ng mga magulang na ni-recruit umano ang kanilang anak, hindi sila nagsumbong sa awtoridad dahil sa takot na malagay sa alanganin ang buhay ng kanilang anak.

Habang ang isa pang biktima ay kinilalang si Sherwin, anak naman ng isang Larry Masalote.

Nag-aalala ang magulang ni Sherwin sa kanya dahil isa itong special child.

Kasong kidnapping ang nakikita ni Lamosao sa nasabing insidente.