Hospital utilization rate sa Cebu City, nanatiling mababa sa kabila ng patuloy na pagdami ng kaso ng COVID-19

Ipinagpapasalamat ng Cebu City Emergency Operation Center (EOC) na nanatiling mababa ang hospital utilization rate ng mga pasyenteng nagpopositibo sa COVID-19.

Ayon kay Cebu City Councilor at EOC Deputy Implementer Joel Garganera, umabot na sa 430 ang aktibong kaso ng COVID sa lungsod matapos nakapagtala ng 145 na panibagong kaso kagabi.

Base rin sa datos ng EOC, walang naitalang COVID-19 death sa nakaraang 10 araw kung saan nagsimulang tumaas ang kaso ng COVID-19 sa Cebu City.

Ayon pa kay Councilor Garganera, patuloy rin ang EOC sa pagsasagawa ng contact tracing at testing sa mga close contact ng mga nagpositibong indibidwal.

Pinayuhan naman ng EOC ang publiko lalo na ang mga nakitaan ng simptomas at mga close contact na huwag agad sumugod sa pagamutan at sa halip ay magpa-test muna at sumailalim sa isolation hanggang sa lumabas ang resulta.