Honda Bay sa Puerto Princesa, apektado muli ng red tide; Irong-Irong Bay sa Western Samar, ligtas na — BFAR

Nanawagan sa publiko ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources at Local Government ng Puerto Princesa sa Palawan na iwasan muna ang paghango at pagkain ng lamang dagat na galing sa coastal waters ng Honda Bay.

Ayon kay BFAR Director Eduardo Gongona, lumitaw kasi sa water sampling na regular na isinasagawa sa karagatan, na nakitaan muli ito ng kontaminasyon ng red tide toxin.

Kailan lamang idineklara ito ng BFAR at LGU’s na ligtas na sa paralytic shellfish poison kaya’t pinayagan na ang mga mangingisda na anihin at ibenta ang mga lamang dagat tulad ng tahong, alamang, tulya at iba na nakukuha sa Honda Bay.

Kasabay ng pagbabawal sa nasabing coastal waters, idineklara namang ligtas na sa kontaminasyon ng red tide toxin ang Irong-Irong Bay sa Western Samar base sa pinakahuling shellfish bulletin na inilabas ng BFAR.

Matagal na panahon din na hindi napapakinabangan ang mga lamang-dagat dito dahil sa red tide.

Samantala, nanatili pa ring positibo sa red tide toxin ang coastal waters sa Leyte at Cariraga Bay sa lalawigan ng Leyte, ang Lianga Bay sa Surigao del Sur at coastal waters ng Biliran Province. | via Rey Ferrer