Homestay program para sa mga turista sa Eastern Samar, dapat mapalakas

Mas lalong dapat na mahikayat ang mga residente sa Eastern Samar na ayusin at pagandahin ang kani-kanilang mga tahanan para palakasin ang tinatawag na “Homestay Program.”

Ito’y sa gitna ng posibilidad na buksan ng mga residente doon ang kanilang tahanan sa mga turista upang matuluyan habang nasa lalawigan.

Sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar, na wala pa kasing mga hotel sa Eastern Samar kaya’t karaniwan sa mga ganitong probinsiya na nagsisimula pa lamang makilala ng foreign at local tourists, ay residential houses ang pansamantalang inuupahan ng mga bisita lalo na ang mga dayuhan.

Ipinaliwanag ni Andanar, na sa ilalim ng programang homestay ang mga may-ari ng bahay na gustong magpaupa ay nagpaparehistro sa local government unit (LGU).

Ang kailangan lang, makasunod ang mga ito sa itinatakdang requirements at ilan dito ay dapat malinis ang buong bahay, lalo na ang banyo, may sapat na suplay ng tubig at kuryente, maayos ang ventilation at iba pa.

Maaari din ani Andanar na sumailalim pa sa training ang may-ari ng bahay o caretaker kung papano tumanggap at mag-asikaso ng bisita.

Madalas ay mga dayuhang turista ang kumakagat sa homestay program na gustong makaranas ng buhay sa probinsiya kasama ang mga lokal na residente, makilala ang kultura ng mga Pilipino at matikman ang mga pagkaing Pinoy na pawang lutong bahay.

Inaasahang sisipa ngayon ang turismo sa Eastern Samar sa pagbabalik sa bansa ng Balangiga Bells. | ulat ni Alvin Baltazar