Hoarding ng bigas sa Pangasinan, pinabulaanan ng NFA

DAGUPAN CITY — Nilinaw ng National Food Authority (NFA) Western Pangasinan na wala silang nakikitang nangyayaring hoarding sa mga bodega ng bigas sa lalawigan ng Pangasinan.

Ayon kay Engr. Ramon Cuaresma, Provincial Manager ng NFA Western Pangasinan, isa sa kanilang masusing iniispeksyon ay ang mga ibinibentang commercial rice ng mga traders at wala din silang naitalang nagtatago ng suplay ng bigas.

Sinabi pa ng opisyal na mayroong bilang ang sako ng bigas kaya’t hindi masasabing nagsasagawa ng hoarding ng bigas ang ilang rice traders.

Kaugnay nito, patuloy ang ginagawa nilang inspeksyon at umaasa silang walang nangyayaring rice hoarding sa iba pang mga warehouse. | ulat mula sa DZMQ Radyo Pilipinas Dagupan