Hiwalay na kulungan para sa heinous crime convicts, aprubado sa senate committee level

Aprubado na sa committee level ang panukalang batas na layong magpatayo ng hiwalay na kulungan para sa mga heinous crime convict.

Isinumite ng Committee on Justice and Human Rights, Public Order and Dangerous Drugs at Finance Committee ang Senate Bill 1055 o ang panukalang “Separate Facility for Heinous Crime Inmates Act”.

Tumatayo naman bilang may-akda sina Senate President Vicente Sotto III, Senators Richard Gordon, Juan Miguel Zubiri at Ronald dela Rosa.

Layon nito, na ihiwalay ang mga presong nakulong dahil sa karumal-dumal na krimen sa isang secured area na maaaring isang military establishment o isang hiwalay na isla.

Nakasaad rin dito na magpapatayo ng katulad na pasilidad sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Ayon kay Sotto, ang panukalang ito ay bahagi ng partial committee report sa ginagawa nilang imbestigasyon tungkol sa mga anomalya sa Bureau of Corrections  (BuCor).

Alas-10 ngayong umaga, nang muling ituloy ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee tungkol dito.

Kahapon, naisumite na ng BuCor sa senado ang mga dokumento ng higit 46,000 convicts na napalaya mula taong 2010.

Kabilang naman sa mga inaasahang mga bagong personalidad na dadalo sa pagdinig ay sina dating PNP CIDG chief at ngayo’y Baguio City Mayor Benjamin Magalong at mga dating DOJ secretaries na sina Atty. Vitaliano Aguirre II, Atty. Emmanuel Caparas at Atty. Reynante Orceo.

Posible ring iharap ni SP Sotto sa pagdinig ang dalawang GCTA-released convict na sumuko sa kanya.