Hirit na imbestigasyon ni Sen. de Lima sa Build, Build, Build project ng administrasyon, di sana political grandstanding

Sana lang ay talagang “in aid of legislation” at hindi political grandstanding ang agenda ni Sen. Leila de Lima sa paghahain ng ┬áSenate Resolution 927, na naglalayong silipin ang Build, Build, Build project ng Duterte administration.

Ito ang reaksiyon ng Palasyo kaugnay ng hakbangin ng mambabatas na makapagsagawa ng imbestigasyon partikular sa konstruksiyon ng NLEX-SLEX Connector Road Project at ang North-South Commuter Railway Project.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, bukod kasi sa kilala ang mambabatas sa political grandstanding, panahon na din ngayon ng eleksiyon kaya’t di maiiwasang isipin na kumikilos na naman ang oposisyon para pulaan at atakihin ang administrasyon.

Pagtiyak naman ni Panelo, handang humarap ang mga kinauukulang mga opisyal ng gobyerno na may kinalaman sa infrastructure projects ng pamahalaan, at doon ay mailahad na walang anumang iregularidad sa Build, Build, Build project ng gobyerno.

Giit ni Panelo, dumaan sa masusing feasibility study ang proyekto kung saan, kabilang sa pinag-aralan ang epekto sa ekonomiya at kondisyon sa pamumuhay ng mga apektadong residente.

Sa harap nito’y tiniyak din ng Palasyo, na hindi sila magpapaapekto sa anumang mga imbestigasyon at tuloy lang ang Build, Build, Build project para na rin sa kabutihan ng nakararami. | ulat ni Alvin Baltazar