Hinihinging listahan ng napalayang inmates sa ilalim ng CGTA, di pinagbigyan – Rep. Nograles

Personal na hiningi ni Pwersa ng Bayaning Atleta o PBS Partylist Representative Koko Nograles kay Bureau of Corrections (BuCor) Director General Nicanor Faeldon ang listahan ng pinalayang inmates mula 2013 hanggang sa kasalukuyan, sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance o GCTA.

Ayon sa mambabatas, bahagi sana ito ng malalimang imbestigasyon na gagawin ng Kamara, kaugnay pa rin sa pagkakasama ni dating Calauan Mayor Antonio Sanchez sa mga makikinabang sa batas.

Pero makailang ulit aniya siyang hindi pinagbigyan ng tanggapan ni Faeldon.

Paliwanag aniya ng executive assistant ng opisyal, para ito sa kaligtasan ng mga released convict, at kung nanaisin nitong makakuha talaga ng kopya ay kailangan nitong kumuha ng court order.

Isang resolusyon na ang inihain sa Kamara para imbestigahan ang implementasyon ng R.A 10592 o Good Conduct Time Allowance.

Bukod dito, nais din mapasama ni Nograles sa mga tatalakayin, kung may katotohanan ang pahayag ng pamilya Sanchez na pirmado na ang release papers ng dating alkalde, at ang mga balitang dalawang buwan bago pumutok ang isyu, ay nakalabas na ito ng kulungan.

Sa susunod na linggo ay magkakaroon ng pagpupulong ang House Justice Committee, kasama ang Department of Justice (DOJ) at BuCor hinggil sa isyu.