Hindi tama ang pagpapatupad ng LTFRB ng rollback sa pasahe – commuters group

May mali sa ginawang desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pagbawas ng piso sa minimum na pasahe sa jeepney sa tatlong rehiyon sa bansa.

Ayon kay Lawyers for Commuters Safety and Protection President Ariel Inton, hindi dapat gawin itong moto-propio kapag ang desisyon ay may direktang epekto sa mga stakeholders gaya ng mga operators, lalo na ang mga commuters.

Aniya mahalaga ang public consultation lalo pa’t mayroon ng public hearing para dito na mismong ang regulatory agency ang nagtakda.

Batay sa Rule number 12, Section 9 ng Revised Rules of Procedure ng LTFRB, dapat pa ring isalang sa public consultation ang anumang desisyon at maaari lamang itong ipatupad sa sandaling nasunod na ang lahat ng proseso para dito.

Unang umalma ang ilang transport group dahil sa anila’y minadaling desisyon ng LTFRB board na pisong bawas pasahe sa passenger jeepney at ipinagpaliban ang pagdinig sa petisyon na inihain ng consumer at commuters group.  | ulat ni Rey Ferrer