Hindi pagsasa-prayoridad ng Senate Blue Ribbon Committee na isalang sa imbestigasyon sina SolGen Calida at SAP Bong GO, nirerespeto ng Palasyo

Nirerespeto ng Palasyo ang pasiya ni Sen. Richard Gordon hinggil sa hindi prayoridad ng kanyang komite na imbestigahan si Solicitor General Jose Calida.

Ito’y kaugnay ng multi-milyong pisong kontrata na naigawad sa security agency na umano’y pag-aari ng pamilya Calida, na ipinupursige namang maimbestigahan ni Sen. Antonio Trillanes.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, na kanilang iginagalang ang desisyon ni Sen. Gordon sa ngalan na rin ng separation of powers, pero sa kabilang banda’y binanatan naman nito ang pagnanais ni Trillanes na gawin ang pagsisiyasat hindi lang kay Calida kundi pati na rin kay Special Assistant to the President Secretary Bong Go.

Produkto lang ayon kay Roque ng personal interest ang pagpupursige ni Trillanes para isalang sa imbestigasyon sina Calida at Go, at hindi sa layuning “in aid of legislation”.

Paglalarawan ni Roque sa nabanggit na agenda ni Trillanes, ito ay “in aid of politicking” at hindi dahil sa pagnanais nitong makalikha ng batas. | ulat ni Alvin Baltazar