Higit P13-M halaga ng shabu, nakumpiska sa Imus, Cavite

Abot sa P13.6 Million ang kabuuang halaga ng illegal drugs na nasamsam ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa ginawang buy bust operation sa Imus, Cavite.

Kasabay nito ang pagkaaresto sa tatlong drug personalities na kinilalang sina Paul Angelo Lee Castro, Jesse James Palenzuela, at Gina Carim Abdul.

Dinakip sila sa ikinasang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Manila District Office at Southern District Office ng PDEA Regional Office sa National Capital Region.

Ayon kay Atty. George Paul Alcovindas,Officer-In-Charge ng PDEA RO-NCR, naaresto ang tatlo habang nakipag-transaksyon sa isang undercover PDEA agent sa bahagi ng Emilio Aguinaldo Highway sa Anabu II-C, Imus City.

Nakuha sa kanila ang humigit kumulang na dalawang kilo ng pinaniniwalaang shabu na may standard drug price na P13.6M.

Nasa pangangalaga na ng PDEA Laboratory Service ang mga nakumpiskang illegal drugs para sa pagsusuri habang inihahanda na ang kaso laban sa mga nahuling drug personalities.