Higit na 1,000 solid waste management plans ng LGUs, naaprubahan

Aprubado na ng National Solid Waste Management Commission ang solid waste management plans ng 22 iba pang local government units.

Sa kabuuan, mayroon nang 1,082 o 63 percent ng approved plans ang NSWMC na target sa buong bansa.

Ayon kay DENR Secretary at NSWMC Chair Roy Cimatu, sa 22 inaprobahang plano, apat dito ay mula sa Misamis Oriental; tatlo sa Camarines Sur; tig dalawa sa Misamis Occidental, Ilocos Norte, Benguet, at Lanao del Norte; at tig iisa sa Cagayan, Albay, Sorsogon, Leyte, Northern Samar, at Zamboanga del Sur.

Base sa datos mula sa DENR-Environmental Management Bureau mayroon pang 558 solid waste management plans ang isinasailalim sa evaluation.

May 332 sa kabuuang bilang ang natapos na habang hinihintay ang pagsumite ng karagdagang datos na may kinalaman sa budgetary requirements at iba pang detalye sa final disposal facilities.