Higit 30,000 tourism workers sa CAR, tatanggap ng cash aid — DOT

Umabot sa 31,273 tourism workers sa Cordillera Administrative Region (CAR) ang inaprubahan ng Department of Tourism (DOT) at Department of Labor and Employment (DOLE) na tumanggap ng cash assistance sa gitna ng nararanasang COVID-19 pandemic.

Nasa ₱156.4-million pesos ang kabuuang halaga na ibibigay sa mga manggagawa mula sa 774 establishments, organizations at associations sa rehiyon.

Nanguna si Puyat sa distribusyon ng certificates sa cash assistance program sa 6,131 displaced tourism workers sa Baguio.

Ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, nagpapatupad din ang regional tourism office ng recovery programs para maihanda ang stakeholders sa pagbabalik ng mas matatag na industriya.

Kabilang dito ang ecotourism biking at wellness and healing circuit, World War 2 historical caravan, pilgrimage tour, farm tourism at slow food and culinary circuits.

Sa ngayon, sampu mula sa mahigit dalawandaang DOT-accredited accommodation establishments sa Baguio City ang naaprubahan na para gamitin ang Safe Travels Stamp of the World Travel and Tourism Council.

Magsisilbi itong patunay na sinusunod ang global health standardized protocols sa sanitation at hygiene.