Higit 200,000 manggagawa, nakabalik na sa trabaho sa ilalim ng GCQ w/ heightened restrictions

Tinatayang nasa 200,000 hanggang 300,000 mga manggagawa na ang nakabalik sa kanilang mga trabaho, makaraang ibaba sa general community quarantine (GCQ) with heightened restrictions ang community quarantine sa NCR Plus bubble.

Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni Trade and Industry Usec. Ireneo Vizmonte, na ito ay dahil sa pinayagan na ang hanggang 20 percent ng indoor dine in services, habang 30 percent naman ang pinapayagan para sa mga piling personal care services.

Kaugnay nito, muling hinikayat ni Usec. Vizmonte ang mga establisyimento na tangkilikin ang pagkakaroon ng Safety Seal certification, dahil ito ang magpapatunay na sinusunod ng mga ito ang health protocol na itinakda ng pamahalaan laban sa COVID-19, at para na rin sa proteksyon ng kanilang customers.

Binigyang diin naman ng opisyal, na hindi pa rin pinapayagan ang operasyon ng mga bar, sinehan, gym, amusement park, at iba pang leisure facilities.