Hidilyn Diaz, gagawaran ng Congressional Medal of Excellence

Nakatakdang igawad ng Kamara ang kauna-unahang Congressional Medal of Excellence kay Hidilyn Diaz para sa kanyang makasaysayang pagkapanalo ng gold medal sa 2020 Tokyo Summer Olympics.

Pinangunahan ni Speaker Lord Allan Velasco, kasama sina Majority Leader Martin Romualdez, Minority Leader Joseph Stephen Paduano, Isabela Rep. Faustino Michael Dy III at Zamboanga City Rep. Manuel Jose “Mannix” Dalipe ang paghahain ng HR 2041 para sa naturang parangal.

Sa kasalukuyan, dalawang Congressional Medals lamang ang ipinagkakaloob ng Kamara.

Ito ang Congressional Medal of Distinction para sa mga Filipino achievers sa larangan ng sports, business, medicine, science at arts and culture at ang Congressional Medal of Achievement, na na kumikilala naman sa  political, economic at cultural leaders.

Diin ni Velasco, maliban sa karangalang ibinigay ni Diaz sa bansa ay nagsilbi rin siyang inspirasyon para sa mga Pilipina, iba pang atleta at mga kabataan na abutin ang kani-kanilang mga pangarap.

Sa hiwalay na HR 1981 ay nilalayon namang i-institutionalize ang paggawad ng Congressional Medal of Excellence para sa national athletes na makakapag-uwi ng gold medal sa Olympic Games.