Hidden charges sa ATM transactions, nais nang tuldukan

Naghain ng panukalang batas si Senador Francis Pangilinan na layong tuldukan ang pagkaltas ng hidden charges ng mga bangko sa anumang uri ng transaksyon sa automated teller machines (ATM).

Sa Senate Bill 635 ni Pangilinan, inaatasan ang mga bangko na ilagay o ipakita sa screen ng mga ATM ang mga charge at limitahan ang mga fee na ipinapataw sa mga transaksyon.

Ito ay upang mabigyan ng kalayaan ang mga customer, na ikansela ang transaksyon kapag nakita nila ang halaga ng kakaltasin sa kanila.

Layon ng panukalang batas na ito, na maprotektahan ang mga ATM cardholder mula sa hidden, surprise o unreasonable fees.

Ayon sa  Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), nitong October 2012, umaabot ng hanggang ₱100 ang withdrawal fees; ₱10 sa balance inquiry fees; at ₱100 sa interbank transfer fees.

Kinakaltasan ang mga ATM cardholder ng aabot sa P100 nang hindi nila nalalaman.