Heneral na umano’y nakaaway ng napaslang na Tanauan Mayor Antonio Halili, hindi pa maituturing na ‘person of interest’ – PNP chief

Hindi pa itinuturing ng Philippine National Police (PNP) na ‘person of interest’ ang umano’y heneral na nakaaway ng napaslang na Tanauan Mayor Antonio Halili.

Ito ang binigyang-diin ni PNP Chief Dir. Gen. Oscar Albayalde matapos aminin na iniimbestigahan ng PNP ang posibleng anggulo ng personal na away ng alkalde sa naturang mataas na opisyal bilang dahilan ng pagpatay sa mayor.

Paliwanag ni Albayalde, kinukunsidera lang ng PNP ang lahat ng posibleng anggulo sa krimen para maka-establish ng motibo.

Dagdag ni Albayalde, hindi niya personal na kilala ang naturang heneral at hindi rin binanggit ng PNP chief kung ang sinabing heneral ay militar o pulis.

Ayon pa kay Albayalde, hindi niya masabi kung ang away ng alkalde sa heneral ay may kinalaman sa lupa pero matagal na aniya silang nagkaaway.

Lumutang din kasi ang anggulo na may mga nakaaway din ang alkalde kaugnay ng kanyang pagbili ng maraming lupain sa lalawigan.

Una nang binanggit ni Calabarzon Regional Director Edward Carranza na tatlong ‘persons of interest’ ang iniimbestigahan ngayon ng PNP sa pagpaslang kay Halili. Dalawa dito ay may kinalaman sa anggulo ng iligal na droga habang ang isa ay walan. | ulat ni Leo Sarne

Photo courtesy: Philippine National Police