Health workers na positibo sa COVID sa Ospital ng Muntinlupa, lampas 100 pa rin

Umakyat na sa 140 empleyado ng Ospital ng Muntinlupa ang nagpositibo sa COVID-19 sa gitna ng patuloy na pagtaas ng kaso sa lungsod.

Ayon kay OsMun Medical Director Dr. Edwin Dimatatac, kritikal na ang bilang na ito dahil halos 25 percent na ng workforce ang tinamaan.

Bumabalik na aniya ang ibang personnel, matapos ipatupad ang 5 hanggang 10 araw na isolation.

Iniulat din ni Dimatatac, na puno pa rin ang COVID-19 beds sa pagamutan bunsod ng pagtaas ng kaso na katumbas ng 108 percent utilization.

Sa ngayon, ay tumutulong ang OsMun sa mga pasyente sa pamamagitan ng telemedicine o online consultation.

Pinayuhan naman ng opisyal ang publiko, na magpabakuna na laban sa COVID-19 lalo at napatunayan nang ang mga bakunado na nagpopositibo sa virus ay halos mild at moderate lamang ang sintomas.