Health protocols, ipatutupad ng PNP alinsunod sa batas

Patuloy na ipatutupad ng Philippine National Police (PNP) ang mga minimum health protocols ayon sa umiiral na batas.

Ito ang inihayag ni PNP Chief Police General Debold Sinas, matapos na atasan ng Pangulo ang PNP na iditine ang mga hindi nagsusuot ng facemask ng maayos.

Ayon kay Gen. Sinas, dadaan sa imbestigasyon at booking procedure ang lahat ng mga lumabag sa lokal na ordinansa at mga health protocol, alinsunod sa Republic Act No. 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.

Paliwanag ni Sinas, depende sa violation kung kinakailangang i-inquest o isyuhan lang ng citation.

Mayroon aniyang mga lokal na ordinansa na “reprimand” lang ang parusa sa unang pagkakataon, at mayroon naman aniyang may parusang multa o pagkakulong.