Health professionals mula PNP at AAFP, maaaring hugutin at ilagay sa ospital

Sang-ayon sa Seksyon 4, paragraph M ng Bayanihan Act maaaring kumuha ng temporary human resource for health na aagapay sa dumaraming kaso ng COVID-19 sa bansa.

Dahil dito, inirekomenda ni Senior Citizen Partylist Rep. Francisco Datol Jr. sa IATF, DOH, DSWD, PRC, at CHED ang pagkuha ng mga specially trained o experienced health personnel upang maging augmentation force ng pamahalaan.

Kabilang sa mga ito ang lahat ng mga lisensyadong doktor, nars, at health care personnel na nagtatrabaho sa PNP, AFP, PCG, at iba pang unipormadong hanay bilang dagdag pwersa sa DOH, LGU at mga pribadong ospital gayundin sa pag-asikaso ng mga PUI sa mga barangay na may confirmed COVID-19 cases.

Maaari ring kunin ang serbisyo ng mga lahat ng licensed ngunit retired at physically-able health professionals para naman tulungan at payuhan ang mga opisyal ng barangay sa pagbibigay ng pangangalaga sa mga vulnerable sector tulad ng nakatatanda, buntis, at may mga pre-existing o underlying medical conditons.

Bukod dito, dapat na ring aniyang i-mobilize ang mga registered health professionals at psychologists ngunit sa kasalukuyan ay unemployed. Sila naman ay maaaring italaga para sa contact tracing at pangangalaga ng mga PUI at PUM sa mga designated isolation facilities sa barangay at work place level.

Para naman sa contact tracing, inventory at health status check ng mga residente sa isang barangay na naka-home quarantine ay maaari aniyang patulungin ang mga registered social workers na hindi nagta-trabaho sa gobyerno o kasalukuyang unemployed.

Habang ang mga graduating college students na may kursong may kaugnayan sa health profession, psychology at social work programs ay maaaring tutukan naman ang mga PUM na naka home quarantine sa barangay level.

Oras naman na matapos na ang krisis sa COVID-19, isinusulong ni Datol na mabigyan ng civil service eligibility at ma-deploy bilang school health personnel sa lahat ng pampublikong paaralan at state universities and colleges sa buong bansa ang mga nagsilbing emergency health workers.