Handbook on media security, target ng PTFoMS na ipamahagi sa mga estudyante

Plano ng Presidential Task Force on Media Security (PTFMOS) na ipamahagi na rin sa mga journalism at mass communications students sa buong Pilipinas ang unang edisyon ng Handbook on Personal Security Measures for Media Practitioners.

Ayon kay PTFoMS Executive Director Undersecretary Joel Egco, mahalagang ngayon pa lamang ay magkaroon na ng ideya at maikintal sa mga mag-aaral ang ‘Dos’ and ‘Don’ts’ sa larangan ng malayang pamamahayag at mabigyan ng basic guidance ang mga estudyante hinggil sa personal security measures.

Sinabi ni Egco, na target nilang maipamahagi ang handbook on media security sa mga mag-aaral sa susunod na taon kasabay ng paglulunsad ng ikalawang edisyon ng media security handbook.

Isinasapinal na lamang ang second edition ng handbook na ngayo’y nasa ikatlong draft na at pagkatapos nito’y daraan na sa pag-aapruba ng task force bago isalang sa pag-iimprenta.

Dagdag ni Egco, na may proposal ding inialok ang UNESCO na isang two-year project na may kinalaman din sa media safety and standards at ang mapagkakasunduan dito ay isinasapinal na lamang bago magkaroon ng pormal na lagdaan.  | ulat ni Alvin Baltazar