Hamon ni Sec. Año na isuko ng NPA ang Masbate murderers, sinegundahan ni PNP Chief Eleazar

Sinegundahan ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar, ang hamon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año sa New People’s Army (NPA), na isuko ang kanilang mga kasamahan na responsable sa pambobomba at pamamaril sa Masbate, na ikinamatay ni FEU varsity Player Keith Absalon at kanyang kamag-anak na si Nolven Absalon.

Ayon sa PNP Chief, kung sinsero ang NPA sa pag amin na nagkamali ang kanilang mga tauhan, dapat ay isuko nila ang mga ito para managot sa batas.

Giit ng PNP Chief, hindi lang public apology ang hinihingi ng pamilya ng mga biktima kung hindi hustisya.

Mangyayari lang aniya ito kapag nakakulong na ang mga may sala para sa kanilang nagawang krimen.

Hamon pa ng PNP Chief, kung talagang pinagsisihan ng NPA ang pagkakapatay sa mga inosenteng sibilyan, ay ipakita nila ito sa pamamagitan ng pagtigil sa kanilang ginagawang mga atrosidad.