Hamon ni Pangulong Duterte na pangalanan ang mga tiwaling ahensya ng gobyerno, tinanggap ni Senador Pacquiao

Tinanggap ni Senador Manny Pacquiao ang hamon ni Pangulong Rodrigo Duterte na pangalanan ang mga ahensya ng gobyerno na tiwali.

Sa isang pahayag, nanindigan ang senador na hindi siya sinungaling at hindi siya tiwali.

Nagpasalamat rin si Pacquiao kay Pangulong Duterte sa pagbibigay nito ng pagkakataon sa kaniya na makatulong at makapagbigay ng impormasyon para sa kampanya kontra korapsyon.

Kabilang aniya sa mga unang dapat silipin ang Department of health (DOH).

Giit ng mambabatas, dapat busisiin ang lahat ng mga binili ng ahensya mula sa mga rapid test kits, personal protective equipment (PPE), masks at iba pa.

Hinamon rin ni Pacman si Health Secretary Francisco Duque III na ipakita ang kabuuang ginastos ng ahensya at kung saan napunta ang mga pera na inutang para sa pagtugon sa pandemya.