Hamon ni Bishop Emeritus Bacani sa Pangulo na maglakad ng walang security, isang kabaliwan

Itinuturing ng Malacañang na isang kabaliwan ang hamon ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani, Jr., kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ay ang lumakad ang Presidente ng walang anumang nakapaligid na security para patunayan ang katapangan nito.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, bagamat nais at kayang tanggapin ng Pangulo ang nasabing hamon, kailangan din namang sumunod ang Pangulo sa security protocol upang matiyak ang kaligtasan nito, lalo’t ito ang humaharap sa mga problema ng bansa.

Dagdag ni Panelo, na hindi na nga dapat pang patunayan ng Pangulo ang kanyang katapangan gayung nang ito’y alkalde pa lamang ng Davao ay mag-isa itong nagpapatrolya at humahabol sa mga kriminal sa pamamagitan ng pagkukunwaring isa siyang tsuper ng taxi.

Baka hindi rin daw nabalitaan ni Bacani, ang ginawang pagsa-substitute ng Pangulo sa isang hostage incident noon para lang mapakawalan ang isang biktima ng pangho-hostage.

Inihayag ni Panelo na sa susunod, dapat sigurong pag-isipang mabuti ng bishop ang mga binibitiwan nitong hamon para hindi mapahiya sa bandang huli. | ulat ni Alvin Baltazar