Halos 1,000 pulis, apektado ng bagyong Rolly

Inihayag ni Philippine National Police (PNP) Chief General Camilo Pancratius Cascolan na base sa kanilang initial estimate nasa 1,000 pulis ang apektado ng bagyong Rolly.

Sinabi naman ni Cascolan na inaasahan niyang hindi masyadong naapektohan ang mga ito dahil maaga pa lang ay pinayagan na ang mga pulis na may mga pamilya sa mga lugar na dinaanan ng bagyo na umuwi para asikasuhin ang kanilang mga pamilya.

Yun aniyang mga pulis na pinauwi na nasa maayos nang kalagayan ay inaasahan na rin aniya nila na mag-report sa duty.

Yung mga hindi naman pisikal na magsipot sa duty ay kailangan lang mag-report sa pamamagitan ng PDOPA (PNP Daily Online
Personnel Accounting) o sa CTDIGs (Contact Tracing Data Information and
Geographical System).

Sinabi ni PNP Chief na nagpadala ng augmentation Force mula sa PRO-7 sa Bicol Region para umalalay sa PRO-5.

Sa ngayon aniya ay nagsasagawa pa ang PNP ng imbentaryo ng mga istasyon ng pulis na nasira sa bagyo pero inaasahan nila na yung mga bagong-tayong istasyon na konkreto ang bubong ay hindi napinsala.