Halaga ng mawawalang kita sa pansamantalang pagsasara ng Boracay, aabot sa P18B hanggang P20B

P18 hanggang P20 bilyong piso ang inaasahang mawawalang revenue sa napipintong pagsasara ng Boracay island sa loob ng anim na buwan.

Sa press briefing sa Palasyo, sinabi ni DILG Usec. Epimaco Densing na walang magagawa kundi pansamantalang magsakripisyo sa loob ng kalahating taon na ang tiyak na kapalit naman aniya ay mas maraming bilang ng mga turista kapag natapos na ang paglilinis dito.

Sa panig naman ni Tourism Asec. Ricky Alegre, inihayag nitong kailangang harapin ang epekto ng pansamantalang pagsasara ng isla sa gitna ng total closure na magsisimula ngayong parating na Abril 26.

Dagdag ni Alegre na sa ngayon, nagpapatuloy ang kanilang pagko-compute sa kung magkano ang kakailanganing halaga upang ma-rehabilitate ang Boracay.

Mahigpit aniya ang ipatutupad na No Tourist Policy sa panahon ng total closure upang matiyak na hindi na madagdagan pa ang polusyon sa isla habang isinasagawa ang paglilinis. | via Alvin Baltazar