Gusot sa relasyon ng Pilipinas at Kuwait, dapat ayusin agad — Cong. Ruffy Biazon

Naniniwala si Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon na dapat nang ayusin agad ng pamahalaan ang nalalagay sa alanganin ngayong relasyon ng Pilipinas at ng bansang Kuwait, kasunod ng pinakahuling development kung saan idineklara ng Kuwaiti government na ‘persona non grata’ si Philippine Ambassador Renato Villa.

Para sa mambabatas, kailangang maghinay-hinay muna ang Pilipinas at huwag gumawa ng mga hakbang na lalong magpapalala ng tensyon, lalo pa’t nakasalalay dito ang kapakanan ng mga OFWs na nasa Kuwait partikular ang Memorandum of Understanding na nakatuon sa proteksyon ng mga Pinoy workers doon.

Sa ngayon, ay mas makabubuti umano kung tatanggapin na lang ng bansa ang naging tugon ng Kuwaiti government sa ginawang pagkakamali ng embahada ng Pilipinas doon.

Mungkahi nito, simulan sa confidence building ang pakikipagdayalogo ng Department of Foreign Affairs sa Kuwaiti government upang maisalba pa ang diplomatic ties ng dalawang bansa. | via Merry Ann Bastasa