Gunrunner na dating mayor ng Talitay, Maguindanao, sumakabilang-buhay matapos mang-agaw ng baril ng pulis

Namatay sa tama ng bala ang dating mayor ng Talitay, Maguindanao na naaresto ng Criminal Investigation Group, matapos na magtangkang mang-agaw ng baril ng mga arresting officers.

Kinilala ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar ang nasawing suspek na si Montasser Sabal, na dating nanungkulan na mayor ng Talitay, Maguindanao noong 2010 hanggang 2013.

Naaresto ito kasama ang anim na iba pa ng CIDG sa Port of Batangas kagabi dahil sa iligal na pagbebenta ng armas at droga.

Nakuha sa kanila ang samut-saring matataas na kalibre ng baril at bala, kabilang ang isang 50 cal. machine gun, at 400 gramo ng shabu.

Nang ibinibiyahe na ang mga suspek patungong Maynila, ay dito nagtangka si Sabal na mang-agaw ng baril kaya napaputukan ng pulis.

Naisugod pa sa ospital si Sabal pero idineklara itong dead on arrival; habang matagumpay naman na nadala ang anim na kasamahan nito sa CIDG headquarters.

Ayon kay Eleazar, si Sabal na dating miyembro ng Special Action Force (SAF) bago pumasok sa politika, ay isang high value target na supplier umano ng armas ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), at sangkot sa 2016 Davao bombing.