Gumuhong bahay sa Barangay San Roque, QC, maraming nilabag – Quezon City Gov’t

Natuklasan ng Quezon City government na lumabag sa zoning at building code ang gumuhong extension ng bahay sa Sitio Bathala, Brgy. San Roque, QC, na ikinamatay ng anim na katao kagabi.

Ayon kay Mike Marasigan, hepe ng QC Disaster Risk Reduction and Management Office, hindi sumunod sa panuntunan na three meter easement sa mga waterway ang bahay na gumuho, na pagmamay-ari ng isa sa mga namatay na si Ryan Rigueros, 31 taong gulang.

Malinaw aniya na sakop na ng Culiat river ang mga poste ng itinatayong istraktura.

Ayon pa kay Marasigan, lumambot ang lupa na kinatatayuan ng pundasyon dahil sa pag-uulan kahapon kaya ito bumigay.

Bukod kay Rigueros, nasawi din sina Nilo Manguso 46, Benito Añora 45, Johnny Jun Gabin 52, Ronald Conde 65 at Rey Diestra.

Ayon sa mga nakaligtas na sina Efren Milan at Fredericko Rigueros, ama ng namatay na may-ari ng bahay, nag-iinuman sila nang gumuho ang bahay.

Anumang oras ngayong araw nakatakdang magsagawa ng imbestigasyon ang QC Engineering Office sa pinangyarihang lugar, dahil bukod sa gumuhong bahay may iba pang kabahayan ang nakatayo din sa lugar na lumampas na sa itinakdang sukat at layo sa waterways. | ulat ni Rey Ferrer