Guidelines sa paggamit ng “re-enacted national budget” para sa taong ito, ilalabas ng Palasyo

Nakatakdang maglabas ng guidelines ang Malacañang sa paggamit ng re-enacted national budget ngayong 2019.

Sa statement na inilabas ng Department of Budget and Management (DBM), inihayag nitong ngayong linggong ito inaasahang ipamamahagi ang guidelines sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan para sa paggamit ng re-enacted budget.

Inihayag ni DBM Secretary Benjamin Diokno, na walang ibang opsiyon ang pamahalaan kundi gamitin ang 2018 General Appropriations Act kasunod ng kabiguan ng dalawang kapulungan ng kongreso na pagtibayin ang 2019 proposed budget na nagkakahalaga ng P3.757-trillion.

Sinabi ni Diokno, na pinapayagan ng konstitusyon ang re-enacted budget sa sandaling mabigo ang kongreso na aprubahan ang panukalang pambansang budget.

Tiwala naman ang kalihim na panandalian lamang ang paggamit ng re-enacted national budget, at ito’y sa harap na rin ng pangako ng dalawang kapulungan na pagtitibayin nito ang 2019 proposed national budget sa sandaling bumalik na ang regular session. | ulat ni Alvin Baltazar