Guidelines para sa pagpapatuloy ng infra-projects, ibinaba na ng IATF

Dapat na limitahan o bawasan ang mga aktibidad sa labas ng mga construction sites ng mga infrastructure projects na pinayagang makapagpatuloy sa gitna ng nararanasang health crisis sa bansa.

Ilan lamang sa mga proyektong pang-imprastraktura na pinayagang magpatuloy ng Inter-Agency Task Force (IATF), bukod sa priority public infrastructure projects ay yung mga private infra-projects na mayroong kinalaman sa food production, agriculture, fishport development, housing, communications, water utilities, manufacturing at BPO o business process outsourcing.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, dapat na limitado lamang ang bilang ng mga personnel na gagawa ng mga kinakailangang aktibidad sa labas ng construction sites, at dapat na i-monitor ang mga ito sa loob ng 14 na araw bago muling makapasok sa construction site.

Ilan lamang sa mga health measures na dapat matupad ay ang araw-araw na monitoring sa health condition ng mga workers.

Hindi rin iminumungkahi ang paghihiraman ng anomang construction at office equipment. Kung hindi naman maiiwasan kailangang tiyakin na na-disinfect ito.

Ang mga non-essential personnel at mga bisita ay hindi papayagang makapasok sa construction site, sa employees’ quarters at sa field offices.

Ang mga contractors, concessionaires, subcontractors at suppliers ay dapat na mag-provide sa mga in-house personnel ng sapat na pagkain, ligtas na inumin, disinfectants at sabon.

Kinakailangan ring magtalaga ng safety officer na titiyak na nasusunod ang implementasyon ng social distancing measures sa mga construction sites.