Gubat sa Ciudad Resort, walang accreditation sa DOT

Kinumpirma ng Department of Tourism (DOT) na iligal ang operasyon ng kontrobersyal na resort sa Caloocan City ngayong pandemya matapos makitaan ng paglabag sa health at safety protocols noong Mother’s Day.

Sa isang statement, sinabi ng DOT na base sa beripikasyon ay nag-operate ang Gubat sa Ciudad Resort nang walang accreditation mula sa ahensya.

Ipinaalala nito na mahalaga ang accreditation dahil nagbibigay ito ng katiyakan na ang isang tourism enterprise ay tumalima sa minimum standards para sa operasyon ng tourism facilities at serbisyo.

Pinuri rin ng DOT ang mabilis na aksyon ng lokal na pamahalaan ng Caloocan sa pangunguna ni Mayor Oca Malapitan na agad ipinag-utos ang pagpapasara at pag-revoke sa business permit ng resort.

Samantala, pinaalalahanan naman ng ahensya ang publiko na maging responsable at laging sumunod sa health protocols sang-ayon sa community quarantine classifications na ipinatutupad ng LGUs.