GSIS Davao, kumpiyansang maaabot ang P20-B target sa GFAL 1, 2

Dalawang linggo pa lamang mula ng ipatupad ang GSIS Financial Assistance Loan o GFAL 1, umabot na sa P1 bilyon ang naipalabas na halaga ng Government Service Insurance System (GSIS), para sa mga empleyado ng Department of Education (DepEd) sa Davao del Sur, Island Garden City of Samal at Davao City.

Ayon kay GSIS Davao General Manager Deity Manampan, P20 bilyon ang kanilang target para sa isang taon na pagpapatupad ng GFAL 1 at GFAL 2.

Ngunit nilinaw ni Manampan, upang mabigyan ng mas mahabang panahon ang mga miyembro na makapag-avail sa programa, nirepaso ng GSIS ang kanilang panuntunan sa pagtatakda ng deadline of availment.

Aniya, magsisimula ang pag-avail ng qualified members depende sa effectivity ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng GSIS at ahensiya.

Babayaran ng miyembro ang GFAL sa loob ng anim na taon, sa anim na porsiyento kada taon.

Ayon sa opisyal, sa mahigit na 30,000 DepEd personnel na saklaw ng GSIS-Davao branch, mahigit dalawang libo na ang naka-avail ng GFAL 1.

Samantala, inilunsad na rin ng GSIS Davao ang GFAL 2 para naman sa mga non-DepEd personnel.

Ang GFAL ay isang progroma ng GSIS, kung saan babayaran ng GSIS ang outstanding loan balance ng empleyado ng DepEd at empleyado ng gobyerno.