Grupo ng sinibak na Bacolod police chief, humarap kay Pangulong Duterte

Humarap kay Pangulong Rodrigo Duterte si Police Sr. Supt. Francis Ebreo, ang hepe ng Bacolod Police na sinibak ng Chief Executive dahil sa pagiging protektor umano ng mga sindikato ng iligal na droga.

Kasamang humarap ni Ebreo sa Pangulo ang apat pang kasamahang opisyal nito na umano ay dawit din sa illegal drugs.

Ayon kay dating Special Assistant to the President Christopher Lawrence “Bong” Go, alas singko ng hapon kahapon nangyari ang paghaharap ng grupo ni Ebreo sa Presidente sa Palasyo.

Kasama rin sa nabanggit na pagkikita si PNP Chief Director General Oscar Albayalde at ang regional director ni Ebreo na si Police C/Supt John Bulalacao.

Mensahe ng Pangulo kina Ebreo ayon kay Albayalde, isasalang ang mga ito sa kaukulang imbestigasyon kasunod ng kanilang pagkakasibak bunsod ng umano’y kinalaman nito sa iligal na droga.

Lunes unang lumutang ang balita na pupunta ng Palasyo ang grupo nina Ebreo matapos ipatawag ni Pangulong Duterte. | ulat ni Alvin  Baltazar