Grupo ng mga dayuhang terorista, nakasagupa ng Joint Task Force Central; 8 terorista patay, 10 sugatan 

Matagumpay na naka-enkwentro ng mga tropa ng Joint Task Force Central ang 100 miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na may kasamang mga dayuhang terorista sa Sitio Tatak, Barangay Tugal, Sultan Sa Barongis, Maguindanao.

Iniulat ni Joint Task Force Central Commander at 6th Infantry Division Commander Major General Cirilito Sobejana na walo sa mga terorista ang patay at 10 ang sugatan.

Kabilang sa mga sugatan si Salahudin Hassan, sub-commander ng BIFF Abu Toraype group.

Nasa lugar din aniya si Abu Toraife, ang Singaporean terrorists na si Abdul Rahiman @ Muawiya, dalawang Arabo at dalawang Malaysians.

Noong Sabado ay naglunsad ng surgical air at artillery bombardment ang JTF sa pinagkukutaan ng mga terorista.

Sinundan ito ng ground operation kung saan nakuha ng mga tropa ang pangunahing kampo ng mga terorista.

Ayon kay Sobejana, ang matagumpay na operasyon ay dahil sa impormasyon mula sa mga dating BIFF members na sumuko sa pamahalaan.  | ulat ni Leo Sarne