Groundbreaking ng Marawi rehabilitation, natuloy na

Natuloy na ang groundbreaking ceremony para sa pagsisimula ng rehabilitasyon ng lungsod ng Marawi.

Ito’y matapos na maudlot ng halos walong ulit ang ground breaking para sa muling pagbangon ng lungsod.

Nanguna sa ikinasang groundbreaking ceremony ng Marawi si Task Force Bangon Marawi Head at Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) Chairman Eduardo del Rosario.

Ginawa ang aktibidad sa Rizal Park, Marawi City na itinuturing na ground zero area makaraang labis na mapinsala sa nangyaring bakbakan doon sa pagitan ng Maute ISIS at tropa ng mga sundalo.

Una dito, inaprubahan na ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang higit sa anim na bilyong pisong halaga ng mga proyekto para sa tuluyang pagbangon ng lungsod. | ulat ni Alvin Baltazar