Grocery packs, ipinamimigay sa mga nagpabakuna sa Ospital ng Muntinlupa

Namamahagi na rin ng insentibo ang Ospital ng Muntinlupa sa mga residenteng nagpabakuna laban sa COVID-19.

Katuwang ang Muntinlupa City Masonic Lodge 414, ay grocery packs ang ipinamimigay sa mga residente pagkatapos mabakunahan sa city-run hospital.

Ayon kay OsMun Director Dr. Edwin Dimatatac, nasa 515 indibidwal na binakunahan ng Sputnik V ang tumanggap ng grocery packs at laminated vaccination card.

Bago ito, nagsagawa ng motorcade ang Masonic Lodge 414, para himukin ang mga residente ng Muntinlupa na samantalahin na ang vaccination program.

Tuloy-tuloy din ang panghihikayat ng city government na magpabakuna na, lalo at 524 na ang aktibong kaso ng COVID-19 ang binabantayan sa lungsod.

Samantala, pormal nang inilunsad ng City Health Office ang home vaccination program para sa bedridden patients, at mga indibidwal na hindi kayang bumiyahe patungo sa vaccination sites.