Greenpeace Philippines, nanawagan sa South Korea na tigilan ang pagtatapon ng basura sa bansa

Nanawagan ang global environmental organization na nakabase sa bansa, ang Greenpeace Philippines, na kunin na ng South Korea ang itinapon nilang basura sa Pilipinas at tigilan na ang ginagawang ‘waste export.’

Kung maalala, dumating ang 5,100 na toneladang ‘garbage shipment’ sa Mindanao Container Terminal sa Misamis Oriental sa pamamagitan ng MV Affluent Ocean nitong Hulyo 21.

Ang nasabing kargamento na idineklara bilang “plastic synthetic flakes,” ay consigned sa South Korean company na Verde Soko II Industrial Corp., na nagpapatakbo ng isang 4.5 hectare waste recycling facility sa Phividec Industrial Estate sa bayan ng Tagoloan.

Ayon kay Greenpeace Philippines campaigner Abigail Aguilar, parang alaala ito ng kaso ng Canada na nagtapon din ng basura sa bansa limang taon na ang nakalilipas, at masasabi na sobra na ito.

Aniya, habang ang Pilipinas mismo ay hindi na rin malaman ang gagawin sa dami ng basurang plastic na inilalabas nito, nakakalungkot umano na ang ibang bansa ay tinitingnan pa rin tayo bilang tapunan ng basura.

‘Nung isang taon, ayon pa kay Aguilar, nagluwas ang South Korea ng 4,397 na tonelada ng ‘plastic waste’ sa Pilipinas.

Ngayong taon mula Enero hanggang Setyembre, ang naturang bansa ay nakapag-export ng 11,588 na tonelada ng basura sa atin, na mahigit sa doble kumpara ‘nung isang taon, ani pa Aguilar.

Dagdag nito, ang pagdepende ng mundo sa disposable plastic at ang pagkahumaling sa ‘overconsumption’ ay nagtulak sa mga mauunlad na bansa na itrato ang mga ‘developing nation’ bilang ‘dumping ground.’

Pagdating umano sa pagpangalan at pamamahiya ng mga bansa na nagpapadumi ng karagatan, sa mga bansang gaya natin tumitingin ang mundo.

Ganunpaman, pinuri ng grupo ang Bureau of Customs (BOC) at mga ahensya nito sa pagkakadiskubre ng naturang basura, kasabay ng panawagan sa gobyerno na pabalikin ito sa pinanggalingan at sampahan ang mga nasa likod ng “misdeclared cargo.” | ulat ni Ched Oliva