Green lane para sa local vaccine manufacturers, pinapurihan ng isang mambabatas

Welcome development para kay Deputy Speaker Bernadette Herrera ang Joint Memorandum Circular para sa pagbibigay access sa local vaccine manufacturers sa green lane.

Kamakailan ay lumagda ng kasunduan ang Anti-Red Tape Act (ARTA), Department of Health (DOH), Food and Drug Administration (FDA), Department of Trade and Industry (DTI)-Board of Investments (BOI), Department of Science and Technology (DOST) at National Task Force Against COVID-19 na layong pabilisin ang proseso sa establishment at operation ng bulk import, at fill and finish packages.

Bunsod nito, mas magiging mabilis na ang pag-aangkat ng vaccine supply mula sa ibang bansa, at dito naman ire-repack ng local companies para sa local distribution.

Lahat ng application para sa License to Operate bilang vaccine manufacturer ay dapat tugunan at mailabas sa loob ng 20 araw.

Sa pamamagitan din ng green lane ay maaaring makapagtayo ng manufacturing facility ang pharma companies sa loob ng 10 buwan.

Umaasa naman si Herrera na bukod sa bakuna, ay mabibigyan din ng green lane ang kinakailangang COVID-19 drugs.