Grab driver, kasama sa 6 na naarestong drug suspect sa QC

Kasama ang drayber ng Transport Network Vehicle Service (TNVS) na Grab sa anim na naarestong illegal drug suspect sa pinakahuling “anti-illegal drug and anti-criminality operations” sa Quezon City.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director-PCSupt Joselito Esquivel Jr. ang Grab driver na si Kristofer Jay Gavino, 37, ng Sampaloc, Manila.

Pinapakita sa ulat na dakong alas-9 kagabi, ang pinagsamang operatiba ng Cubao Police Station at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay nagsagawa ng buy-bust laban sa suspek.

Isang operatiba ang nagpanggap na ‘poseur buyer’ at nagtakda ng usapan sa loob ng isang kuwarto sa Taxi Apartelle, sa may P. Tuazon Blvd., Brgy. San Roque, Cubao, na nagresulta sa pagkakaaresto kay Gavino.

Ayon pa sa report, nilunok nito ang hindi pa tiyak na bilang ng sachet ng pinaghihinalaang shabu, bukod sa siyam na sachet na nakumpiska sa nangyaring operasyon.

Nakuha rin ang isang cellphone na ginamit sa ‘drug deal’ at ang ‘buy-bust money.’

Habang ang isa pang buy-bust sa Bgy. Socorro, Cubao ay nagresulta sa pagkakaaresto kina Brian Limbo, 37; Richard Basco, 40; at Jefferson Bundok, 35 anyos, ganap na alas-5 kahapon.

Sila ay nahulihan ng 12 sachet ng shabu, isang cellphone at buy-bust money.

Samantala sa Bgy. Bungad, nadakip sila Nomael Ubalde, 22, at Mary Jane Tagalan, 24, bandang alas-6 kagabi makaraang mahulihan ng shabu. Ito ay bunsod sa sumbong ng isang ‘concerned citizen’ sa pulis hinggil sa kalakalan ng ilegal na droga ng mga suspek.

Ang mga ito ay nahaharap sa paglabag sa  Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. | ulat ni Ched Oliva