Gov’t agencies, pinababalangkas ng protocol sa posibleng balik-operasyon ng transportasyon

 

Inatasan na ng Inter-agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang Department of Transportation (DOTr), Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Tourism (DOT), Department of Health (DOH) at Bureau of Quarantine (BOQ) na pag-aralan na at magrekomenda ng mga protocol para sa posibleng pagbu-bukas ng transportasyon via land, air at sea travels.

Tiniyak naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na anomang rekomendasyon ang isu-sumite ng mga tanggapang ito ay subject pa rin sa umiiral na protocols at guidelines kaugnay sa social distancing, isolation at quarantine.

Ilan pa sa mga bagong resolusyon na inaprubahan ng IATF ay ang pag-aatas sa Department of Tourism (DOT) na asikasuhin ang hotel rooms na magsisilbing accomodation ng mga frontliners.  Lalo’t ilan sa mga iniinda ng mga ito ang pahirapang pagbiyahe lalo na sa mga nasa labas ng Metro Manila.

Pinagagawa aniya ng imbentaryo si Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat kung ilang mga hotel rooms ang maaaring magamit ng mga health workers.

Ayon kay Secretary Roque, maliit na bagay lamang ito kumpara sa sakripisyong ginagawa ng mga frontliners para sa laban ng Pilipinas kontra COVID-19 pandemic.