Gov’t agencies, inatasan ni PRRD na pagsamahin ang resources at efforts para mapabilis ang free face masks distribution


Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa ilang ahensiya ng pamahalaan, na pagsama-samahin ang kanilang resources at efforts upang mapabilis ang pamamahagi ng libreng face mask sa publiko.

Base sa Memorandum Order no. 49, inatasan ng Pangulo ang Department of Trade and Industry (DTI) upang tumayo bilang lead implementing at coordinating agency para sa produksyon at procurement ng face masks.

Inatasan namang makipagtulungan sa DTI ang Department of Health (DOH), na siyang magdi-determina ng minimum, cost efficient, at good quality specification ng mga face mask, na mabisang panlaban sa COVID-19.

Aalalay naman ang Department of Budget and Management (DBM) sa procurement ng mga ito.

Susuportahan ng DTI ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), sa pagkikipag-ugnayan sa production network at supplier markets ng raw materials.

Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang inatasan na magdi-determina ng priority beneficiaries ng mga face masks.

Habang ang Presidential Management Staff (PMS) Assistant Secretary for Regional Concern ang magmo-monitor at mag-uulat ng progreso ng distribusyon kay Pangulong Duterte.

Inaatasan rin ang iba pang departamento at opisina ng gobyerno, Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs), Government Financial Institutions (GFIs), state universities and colleges (SUCs) at local government units (LGUs), na makipagtulungan at umalalay upang matiyak ang mabilis at epektibong implementasyon ng kautusang ito.