Gov’t agencies, di na dapat kasali sa authorization phase ng budget process ayon kay Sen. Lacson

Bukod sa pag-amyenda matapos ang third at final reading, sinabi ni Senator Panfilo Lacson na paglabag rin ang pagpayag ng Mababang Kapulungan, na makisali sa authorization phase ng budget process ang mga ahensya ng gobyerno.

Paliwanag ni Lacson, may apat na phase ang budget process…

Una ang paghahanda ng ehekutibo ng budget at pagbuo ng National Expenditure Program (NEP), ikalawa ang authorization na ginagawa ng kongreso, ikatlo ang execution o pagpapatupad ng budget ng ehekutibo, at huli ang accounting ng paggasta ng pondo na ginagawa naman ng Commission on audit (COA).

Aniya, magkakahiwalay ang trabahong iyan, kaya hindi niya nauunawaan kung bakit pinapayagan ng chairperson ng Appropriations Committee ng Kamara, na makasama sa authorization process ang government agencies.

Giit ng senador, ekslusibo sa Kongreso ang authorization phase, kaya dapat ay hindi na nakikialam dito ang ehekutibo sa pamamagitan ng mga ahensya ng gobyerno.

Mungkahi ng senador, ipasa na lang sa kanila kung ano man ang bersyon na naaprubahan nila sa ikatlo at huling pagbasa, at ano mang institutional amendments ang nais ipasok ng mga kongresista ay maaaring talakayin na lang nila sa Bicameral Conference Committee meeting.