Gov. Dayanghirang, DepEd-Davao, sinuspinde ang trabaho ng mga empleyado, bilang pakikiisa sa Family Week

Bilang pakikiisa sa inanunsyo ng Civil Service Commission (CSC) kaugnay sa pagdiriwang ng 27th National Family Week, sinuspinde ni Davao Oriental Governor Nelson Dayanghirang ang trabaho ng Provincial Government Offices simula alas-2:00 ng hapon ngayong araw, September 23.

Sa nilagdaang Memorandum No. 70, series of 2019, iniutos ni Dayanghirang ang pagtatapos ng trabaho ng empleyado ng probinsya, upang kanilang makasama nang mahabang oras ang kanilang pamilya.

Hindi saklaw ng atas na ito ang mga opisina na ang tungkulin nito ay maghatid ng serbisyong pangkalusugan, gayundin ang mga kailangang rumesponde sa oras ng emergency.

Samantala, naglabas din ng kahalintulad na atas ang Department of Education (DepEd) XI sa kanilang mga empleyado na sinususpinde ang klase at trabaho simula alas-3:00 ng hapon.