Gordon, nanawagan kay PRRD para agad na isabatas ang Ombudsman Retirement Law

Hiniling ni Senador Richard Gordon kay Pangulong Rodrigo Duterte na agad nang lagdaan ang pagsasabatas ng panukalang pagtatatag ng isang retirement benefit system sa Office of the Ombudsman upang may makuhang benepisyo ang pamilya ng pinaslang na si Assistant Special Prosecutor Madonna Joy Tanyag.

Ayon kay Gordon, chairman ng Senate Committee on Justice at sponsor ng panukalang retirement law ng Office of the Ombudsman, bagama’t hindi na maibabalik muli ang buhay ni Assistant Special Prosecutor Tanyag, kapag naisabatas ang panukalang hakbangin, may matatanggap ang kanyang pamilya.

Si Tanyag na limang buwang buntis ay pabalik na sana sa kanyang opisina matapos na dumalo sa isang pagdinig sa Sandiganbayan nang siya’y pagsasaksakin ng tatlong beses ng isang suspek na lalake.

Sa panukala, ang mga naiwang kapamilya ni Tanyag ay maaaring tumanggap ng death benefit o kaya’y isang lump sum ng limang taong sahod. Ang death benefit sa ilalim ng panukalang hakbangin ay retroactive at ito’y ibibigay sa pamilya ng sinumang mamamatay sa loob ng isang taon bago magkabisa ang hakbangin bilang isang ganap na batas.

Kasabay nito, nanawagan din si Gordon sa Philippine National Police para sa mabilis na pagresolba sa kaso ng pagkamatay ni Tanyag. | ulat ni Jojo Ismael