Gordon, nagpasalamat sa liderato ng Kamara sa pangakong pagsasaprayoridad ng pagpasa ng bersyon ng Kamara ng kanyang Senate Bill No. 1397 o ang Motorcycle Crime Prevention Act of 2017

Nagpasalamat si Senador Richard Gordon sa liderato ng Kamara de Representantes para sa pagsasaprayoridad ng kanyang panukalang batas na nag-aatas ng pagkakabit ng mas malaking plate numbers para sa motorsiklo upang makatulong sa pagsawata sa mga ginagawang pagpatay ng mga tinaguriang motorcycle-riding suspects sa kanilang mga biktima.

Ayon kay Gordon, sina House Speaker Pantaleon Alvarez at House Justice Committee Chairman Reynaldo Umali ay kapwa nagbigay ng katiyakan na kanilang isasaprayoridad ang pagpasa ng bersyon ng Kamara ng Senate Bill No. 1397 o ang Motorcycle Crime Prevention Act of 2017 na naipasa na sa Senado sa ikatlo at panghuling pagbasa noong nakaraang taon.

Sa panukala ni Gordon,  ipag-uutos ang pagkakaroon ng mas malaki at mas madaling mabasang plate numbers para sa mga motorsiklo upang mahadlangan ang pagkakaroon ng mga krimen na gawa ng mga kriminal na sakay sa motorsiklo at scooter sa bansa na ilalagay sa harap at likod ng bahagi ng motorsiklo.

Ang sinumang nagmamay-ari ng motorsiklo na ginamit sa paggawa ng krimen ay pagmumultahin at mahaharap sa parusang pagkakulong.

Kapag ang motorsiklo ay nakaw at ginamit sa krimen at hindi agad nai-report ng tunay na may ari ang pagkawala ng motorsiklo, siya ay mahaharap din sa kaparehong parusa. | ulat ni Jojo Ismael