Gordon: Malalagay umano sa mas mapanganib na sitwasyon ang ating mga OFWs sa Kuwait kapag magpapatuloy ang sigalot sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait

Patuloy na umaasa si Senador Richard Gordon na mareresolba pa rin sa lalong madaling panahon ang kasalukuyang sigalot sa pagitan ng Pilipinas at ng Kuwait.

Sinabi ni Gordon na ang higit na mahihirapan sa kasalukuyang sitwasyon ay ang may 250,000 mga overseas Filipino workers na kasalukuyan pa ring nasa Kuwait.

Ani Gordon, ang huling hakbangin ng Kuwaiti government na pagpapa-alis kay Ambassador Renato Villa at ang pagpapababalik naman ng kanilang kinatawan sa Maynila ay naglalagay sa mga OFWs sa Kuwait sa mas mapanganib na sitwasyon.

Diin ng mambabatas na dapat umanong maayos pa rin ang sitwasyon dahil kapag magpapatuloy na wala tayong ambassador sa Kuwait at wala din silang ambassador dito sa Maynila, walang ugnayan kaya mas delikado ang katayuan ng mga household services workers natin na nandoon pa rin.

Kahapon, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang pansamantalang ban sa mga Pilipinong papunta ng Kuwait para magtrabaho ay permanente na at hindi na rin magaganap ang inaasahang paglagda ng Memorandum of Understanding sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait.

Sa halip, sinabi ng Pangulong Duterte na kinukunsidera na ngayon ng gobyerno ang pagpapadala ng ating mga OFWs patungong China at iba pang mga bansa. | via Jojo Ismael